Nangyari na naman ang nakakahilakbot na eksena sa buhay ko. Noong college, naakit sa akin ang diwatang bading ng Luneta, 2 years ago hetong desperada ng Makati tapos ngayon meron na naman. Heto pa ang nakakatakot, resident pa yata siya sa building ng office namin.
Lunchbreak nu’n, kaya bumaba ako sa lobby para bumili ng isang payak na lunch sa 7-11. Dahil matagal pa ang elevator sa commercial area ng building, minabuti kong pumunta na lang sa residential area para mag-elevator. At dahil suot ko ang aking bagung-bagong pulang espadrilles, kuntodo ang confidence ko at maya’t maya ay tinitingnan ko talaga ang sapatos ko. May isang lalaki nga din ang napatingin sa mga sapatos ko, sa isip-isip ko “Ang ganda ng espadrilles ko ‘no? Meron ka ba n’yan? WALA! WALA! MUHAHAHA!”
PhP 650 espadrilles, Sueño de Espadrilles, 4th Floor of The Podium
Dumating na ang elevator at dahil marami-rami ang sasakay, doon ako sa may corner nagsumiksik. At dahil sa sulok ako nakapwesto, nakaharap ako sideways. Pumuwesto sa tabi ko yung lalaking tumitingin sa gwapong-gwapong espadrilles ko. Mukha naman siyang normal na pasahero ng elevator kaya dedma lang. Nanalamin na lang ako gaya ng palagian kong ginagawa kapag nasa sulok ako ng elevator.
Napuna kong tumitingin pa rin yung lalake sa sapatos, gusto ko na talagang sabihin “Ganda ‘no? Kaso mukhang hindi bagay sa’yo eh.” Nanghilakbot ako nu’ng napansin kong gumagapang ang mga mata niya mula sa sapatos paakyat sa katwan ko hanggang sa mukha ko lalo’t isang yapak lang ang layo niya sa akin. Pagtingin niya sa mata ko, kakaiba ang tingin niya. Parang hinuhubaran niya ako sa mga titig niya. Stressed pa naman ako sa trabaho heto pa ang makakasabay ko sa elevator.
Kaya nagwala ako sa elevator. Hinawakan ko siya sa ulo at hinampas ang mukha niya sa salamin. Pinilipit ko ang leeg niya na mala-Steven Seagal at sinaksak ko siya ng ilang beses gamit ng plastic fork na binigay sa 7-11. Dumanak ang dugo sa loob ng elevator at nagtitilian ang ibang pasahero. Ako naman, isang lunatic na humahalakhak na may mantsa ng dugo sa mukha.
Pero hindi ko ginawa yun. Nagpigil ako. Ayokong mamantsahan ang espadrilles ko. Hindi pa naman pwedeng labhan ‘to gaya ng ibang sapatos.
Nagkamali ako sa kanya. Akala ko boobs ang hanap niya, patutuy pala ang gusto niya. Akala ko sapatos ko lang ang kursunada niya, katawan ko rin pala. Akala ko gusto niya lang akong gulpihin, higupin ang lakas ko pala ang nais niya. Humarap na lang ako sa pintuan ng elevator at hinayaan ko na lang na pagnasaan niya ako sa kanyang isip kahit na nakakadama ako ng galit, takot, hilakbot at pandidiri sa ginagawa niya. Buti na nga lang, dumating na ako sa floor ng office namin kaya bumaba na ako. Dun lang ako medyo nakahinga ng maluwag.
Bakit ba ang lakas ng alindog ko sa mga ganitong nilalang? Kaya nga ako tumakas sa asylum para maiwasan sila, pero bakit sinusundan pa rin nila ako? At isa pang masakit dun… HINDI KO SIYA NASINGIL.
March 8, 2010
Like









