Telenovelas of Crap
Hindi ko mawari kung bakit humaling na humaling ang mga Pilipino sa mga telenovela. Kaya tuloy kumikita ng husto ang mga advertisers dahil sa mga basurang inihahain ng mga local networks na patuloy pa ring tinatangkilik ng kanilang audience. Ang hindi ko pa maintindihan, pare-pareho naman ng plot lahat ng mga ipinapalabas nila. Nagbabago lang ng panahon, talent at setting. Bigyang halimbawa na natin ang apat na sunud-sunod na telenovela ng GMA 7: Iglot, Amaya, Ang Munting Heredera at Time of My Life. Lahat sila, tungkol sa mga nawawala/napalitang anak at may mga devious crime plots ng mga kontrabida.
IGLOT. Si Luningning/Isabella (Milkcah Wynne Nacion) ang nawawalang anak ni Mariella (Claudine Barretto) na napunta kay Lola Idang (Celia Rodriguez) na may nawawalang anak ding si Ramona (Jolina Magdangal). Umpisa pa lang, may mga crime plots na ang mga kontrabida kaya for sure may mga sampalan at mga patayang magaganap din dito before matapos ang teleserye. Pero, magkakasama pa rin ulit ang mag-inang si Mariella at Isabella sa dulo in the end.
AMAYA. Nagpanggap si Binayaan/Yang Tersayang (Glaiza de Castro) bilang Amaya na anak ni Dal’lang (Lani Mercado). Ipinakilala ni Yang Tersayang ang tunay na Amaya (Marian Rivera) kay Dal’lang bilang Binayaan. Di naglaon nalaman din ni Dal’lang ang katotohanan, ngunit huli na ang lahat dahil “napaslang” na pala si Amaya. At dahil di pa nga patay talaga si Amaya, magkikita pa rin ang dalawa midway ng serye kung hindi man malapit na sa katapusan.
ANG MUNTING HEREDERA. Isa sa tatlong batang babae ang tunay na apo ng uber rich na lola na si Donya Anastacia (Gloria Romero). Although obvious naman sa mata ng mga manonood na si Jennifer talaga ang tunay na heredera, hindi naman ito alam ng mga bida dahil sa kung anu-anong circumstances na ang naganap. May mga namatay na ngang characters dito dahil sa mga krimen.
TIME OF MY LIFE. Si Shane (Kris Bernal) ay anak ni Lisa (Jean Garcia) na akala niyang namatay na noon sa sunog. Lingid sa kanyang kaalaman, alam ni Martha (Cherie Gil) ang katotohanan tungkol kay Shane. Si Martha ang may pakana ng sunog at nakulong dahil sa ginawa niya. Makalipas ang ilang taon, nakalaya na siya at nagbabalik para magkalat ng lagim.
Kitang-kita naman ang pagkakapareho ng mga kwento ng mga nabanggit na teleserye. Lahat, pare-parehong basura at pinagtitiyagaan ito ng marami sa loob ng tatlong oras. Nauunawaan ko pinaghihirapan at pinagpupuyatan ito ng mga writers, directors, artista at lahat ng mga staff ng palabas. Nais ko ring iparating sa inyo na sa bansang ito hindi lang kayo ang nagtatrabaho at nagpapakapagod ng husto. Mas marami dyan nagpapakahirap sa kakarampot na perang nakukuha nila at ang natatanging kaligayahan lang ay ang makapanood ng TV. Pagkatapos, basura lang din ang ihaharap niyo sa kanila? Sana naman, fresh, masarap at masustansyang pagkain naman ang ihain niyo. Maswerte kayo’t maraming manonood na hindi alam na recycled goods na ang ibinibigay niyo sa telebisyon nila. Pero huwag niyo naman sanang abusuhin yun at gawing bobo ang mga tao. Matagal ng natapos ang panahon ng Mara Clara, na may remake na at natapos na rin. kaya wag na kayong ma-stuck sa ganitong formula.
Kaya nananawagan ako hindi lang sa GMA 7, kundi sa lahat ng ating local TV networks, na itaas naman na sana natin ang antas ng mga ipinapalabas natin sa TV. Bigyan niyo naman ng laman at pwedeng matutunan ang mga audience sa mga teleserye niyo, kung teleserye lang talaga ang kayang ihain. Hindi ko sinasabing gawing palaisipan na mala-Numbers o NCIS ang mga telenovelas. Baka kasi mauubusan din ng dugo ang blood bank natin dahil sa dami ng taong magno-nosebleed sa kakaisip ng pinapanood nila. Ang sa akin lang, i-challenge din ang kaisipan ng mga manonood na ikakaligaya din nila. Kung kailangan ng mahabang oras ng ating mga manunulat at directors ng mahaba-habang panahon para magawa ito, ikaloob niyo ito sa kanila para naman maganda rin ang maipapalabas sa mga TV namin.
Sa mga advertisers naman, wag niyo namang tangkilikin pa ang mga ganitong palabas. Ang laki ng binibigay niyong pera sa mga TV networks tapos walang kwenta rin naman ang ipinapalabas nila. Hindi rin maganda sa produkto niyo kung hindi rin naman dekalidad ang mga TV series na nilalabasan ng mga advertisements niyo.
Sana lang may writer o taga-TV networks ang nagbabasa ng post kong ito. Hindi natin alam, baka sa TV lang din ang paraan para umasenso ang bansa natin.
Tawagin niyo na akong kampon ng ABS-CBN kahit di ko nama napapanood ang mga teleserye doon, hater ni Aljur, destabilizer ni Marian, porn lover, may bulbol na blue o whatever, WALA AKONG PAKIALAM. Basta ang sa akin, sexy ako panahon na para wakasan ang mga walang kakwenta-kwentang palabas sa TV at umpisahan na para itaas ang antas ng ating TV entertainment.
Kung palagay niyo seryoso at masyado akong affected sa ganitong usapin, yan ay dahil wala namang cable channels sa mga bus at kadalasan yang mga nabanggit na teleserye ang nadadatnan ko. May MP3 player naman ako, pero yan pa rin mga nakikita ko kasi kapag ipinikit ko ang mga mata ko baka makatulog at lumagpas pa ako sa bababaan ko.
Pero seryoso talaga ako sa mga nais kong iparating.
Paskorruption
Ang Pasko ay para sa mga bata, ayon sa marami. Kaya nga kapag Christmas naglipana ang mga bata at inaanak sa kalsada para mamasko sa kanilang mga ninong, ninang at mga kamag-anak. Pero dahil bago kami dito sa San Pedro, na-culture shock ako sa pamamasko ng mga bata dito.
Dahil bago lang kami dito sa San Pedro, ibang kultura ng pamamasko ng mga bata ang naranasan ko. Ibang-iba sa nilakhan ko at nakakarami. Ang mga batang di naman namin inaanak o kamag-anak ay namamasko sa amin at sa ibang bahay dito sa subdivision. Ang dami pa nila at minsan in groups pa. Kaya nga parang echo lang sa pandinig ko ang katagang “Namamasko pooo!” dahil monotonous lang sila.
Kaya naman kumaripas kami sa pagtakas sa mga namamasko dito sa amin dahil hindi naman nakakatuwa ang pamamasko nila. Hindi naman kasi pamamasko ang ginagawa ng mga batang ito kundi pamamalimos. Nakabihis lang sila ng maayos at iniiba lang ang binibigkas na kataga pero panghihingi ng limos lang ang ginagawa nila. Hindi naman kasi tama na kung kani-kanino lang na manghingi ng pera. Kung nangangaroling ang mga batang ito baka mapagbigyan pa. Pero kung mangangatok lang sa mga bahay at bibigkasin ang “namamasko pooo!”, ito ang di ko mapapayagan.
Let’s say, given na tradisyon nila ang ganitong klaseng pamamasko pero ang nakakabahala ay ang kaisipan ng korupsyon sa kanilang mga murang edad. May mga grupo kasi ng kabataang namamasko ang hindi hinahatian ang kasamahan nila. Kaya ang nangyayari, bumabalik sa bahay pa itong hindi nabigyan para manghingi ulit ng pamasko. May isa nga bumalik at nagsumbong pa sa amin na hindi raw siya hinatian ng kasamahan niya kahit na five steps pa lang ang layo nila sa bahay namin. Kung ganito na ang pag-iisip nila, anong klaseng kinabukasan pa ang haharapin ng ating bansa?
Namasko rin kami noon pero sa mga kamag-anak at mga ninong/ninang lang ang pinupuntahan namin. Kung grupo man kami, yung mga inaanak lang ang namamasko at nasa discretion na ng kanilang godparents kung aabutan din kami.
Nakaka-disappoint ang mga ganitong bata dahil namumulat na sila sa kasakiman at sa idea ng corruption na nangyayari pa sa araw ng Pasko. Mahirap ang bansa natin pero hindi naman dapat ganito ang maiturong pag-iisip lalo sa mga bata. Huwag na tayong magpakababa. Sana maipamulat natin sa kanila na ang Pasko ay hindi tungkol sa dami ng regalo o sa laki ng perang napapamaskuhan. Huwag nating imulat ang mga bata sa kasamaang dulot ng pera.
Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan pero hindi naman dapat inaabuso.
Let’s Make Them Wet
Ang tubig, nakaka-wet.
Pero alam niyo ba na may parte ng mundo kung saan may mga taong minsan lang makaranas ng wetness. Minsan lang makatikim ng katas ng langit ang kanilang mga tigang na lupa. Kung madampian man ang kanilang dila, wala pang katiyakan kung ligtas ito sa kanila. Kaya naman pati mga alaga nila ay nangunguluntoy at natutuyot na. Kaya kung kayo’y nawe-wet ngayon at natatalsikan sa mga hita, nararapat lamang na magpasalamat pa tayo.
Malamang, madalas kayong ma-wet sa mga CR, kusina, laundry at kung saan-saan man. Pero kadalasan nakakaligtaan natin na higit pa sa pangangailangan ang mga nagagamit natin. Minsan nga hinahayaan lang natin ‘tong umapaw kapag nasa banyo tayo. Minsan pa nga higit pa ang ipinandidilig natin. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangan nating mag-control.
Maulit lang, tubig ang pinag-uusapan natin. Baka kasi tumakbo na naman ang iba niyong pag-iisip.
Kahit sa maliit na paraan natin, malaking bagay na rin ito para sa ikabubuti ng mundo. It may not move mountains, but at least we tried. Kung hindi natin sisimulan sa sarili ang pagtitipid ng tubig, balang araw, wala na tayong matitikman na malinis na tubig.
At isa pa, with less water, we’ll have more wrinkles.
Adverse Reactions:
Status
- @JohnLloyUmali medyo malayo na yun kasi nakabitin eh.
- @rochellesychua we can always make our own fruit shakes. controlled pa natin ang ingredients. ;)
- @rochellesychua ooooh. I must try that. Maybe I can make one. We have lots of chico here which we got from our neighbor.
Most Active Discussions
- WordCamping 2008 (41 comments)
- Do you know why? (30 comments)
- Damn You Ondoy (30 comments)
- GOODBYE. PAALAM. SALAMAT. (30 comments)
- Close Encounter of the Third Kind... AGAIN (24 comments)







