• 10Aug

    Grabe. Tumatanda na yata talaga ako. Hindi ko napansin, tatlong taon na pala akong nagba-blog?! Yap, 3 years na. Akalain ba namang tatagal ako ng ganito. Bakit sa pagkarami-rami ko namang pwedeng kalimutan, yun pang anniversary ng walang kakuwenta-kuwentang blog ko pa. Kunsabagay, kaya nga walang kwenta, di ba?

    Nagiging makakalimutin na talaga ako. Minsan, nawawala sa isip kong ang magbayad sa jeep. Mabuti nga’t mababait ang mga driver at hindi pa naman nila naiisipang ihagis ang gulong ng sasakyan nila sa akin. Kadalasan din, naiiwan ko ang dalawang cellphone ko sa bahay. Dalawa na nga sila nakakalimutan ko pa rin. Hindi ko naman naiisip na iwanan sila ng barya para mag-commute na lang sila papuntang office. Ano ba yan?!

    Dapat na yata akong lumaklak ng sandamakmak na ginkgo biloba, glutaphos at Memo Plus Gold . Saka dapat na nga yata akong humithit ng laurel at magsinghot ng pinulbos na Pandan. Sasamahan ko na rin ng kain ng maraming beans, pork at pagpapak ng Enervon Prime. Mainam din ang glucose, kaya gagawin kong midnight snack ang asukal sa bahay. Tingnan ko na lang kung hindi ko pa makabisado ang capitals of the world at ng mga phone numbers sa phonebook ko. Good luck na lang din sa blood sugar. Pero ok lang na mataas blood sugar ko kung sakali, gwapo naman ako.

    Kaya ko rin naman nakakalimutan ang maraming bagay, masyado rin kasing pre-occupied ang aking matalinghagang pag-iisip. Busy rin kasi ako sa trabaho, tapos nawiwili nga ako sa plurk at syempre ini-enjoy ko rin ang aking napakasaya, napakagastos, at walang kabuhay-buhay na single life. Aba, sino ba namang hindi mai-enjoy ang ganitong buhay? Halos lahat ng kita ko, solo ko. Walang nagpapabili sa akin ng regalo, sarili ko lang ginagastusan ko sa panonood ng sine saka kapag kumakain sa labas at saka hindi ko kailangang gumastos para mag-check in sa mga motel. Pwede na kapag mag-isa sa kuwarto o kaya sa banyo.

    Hindi lang naman ako ang biniyayaan ng ganitong pamumuhay. Hindi lang naman siguro ako ang katangi-tanging loveless at single sa mundo—sana nga. At lalo namang hindi rin ako ang nagsosolong mahalay na tao. Kaya nga naisip kong magtatag ng isa na namang bagong organisasyon. Noon, na-establish ko na ang image na USB (Untouched Since Birth), naitatag ko na rin ang BOOBS (Billycoy’s Organization of Organism and Bacteria Savers) ngayon sisimulan ko na ang bagong grupo para sa mga singles out there.

    Ipinapakilala ko sa inyo ang SMS or Sanggunian ng Mahahalay na Single. Yung M pwedeng palitan ng malibog, malaswa o kahit ano na related sa word na mahalay. Ano requirements sa SMS? Simple lang:

    1. Mahalay
    2. Single
    3. MAHALAY

    Kung taglay mo ang ganitong katangian, member ka na automatically ng SMS.

    Are you one of us?

  • 24Jun

    My gulay! More than a week na pala akong walang post. Kasi naman masyado akong naging abala nitong nakaraang araw. Naging abala ako sa Plurk. Alam ko katunog siya ng taeng lumalabas sa puwet o utot na may kasamang jebs. Basta nakakaadik kasi itong Plurk.

    Maraming nangyari sa mahigit isang linggo kong pagkakahimlay sa tapat ng computer at i-absorb ang lahat ng radiation na nilalabas ng monitor. Malapit na nga akong maging mutant dito sa aking kinauupuan. Keber ko ba kung tubuan ako ng mata sa aking bunbunan o adam’s apple sa ilong, wala akong magagawa, nagtatrabaho ako… aside from plurking.

    ——

    Nitong kamakailan nanalanta ang tibong bagyong Francesca aka Frank sa bansa. At hetong dakila kong alagad, hindi ko akalaing gumimik pa pala nang gabing iyon. Alam na ngang arrival na ni Francesca ng alas-singko ng madaling araw ng linggo sa Maynila, hindi ba naman umuwi ng maaga. Hindi tuloy kami nakagawa ng placard para sa pagsalubong kay Frank. Lintek.

    ——

    By the way highway, baka magpadala pala ako ng alagad sa Friday sa Taste Asia para sa Buhay Coke event. Ipine-prepare ko na nga ang costume nya for that day.

    Photobucket

  • 01Jun

    Sadyang mapagmasid talaga ang dalawa kong mata—pero minsan tatlo, lima at walo—kaya naman marami akong napapansin sa paligid. Syempre, ang hindi ko mapapalampas this time ay ang mga lalaking dala-dala ang girlie bag ng kanilang mga juwawhoopers on their shoulders! Lalo na kung shining shimmering splendid pa ang bag, tama ba? Wala namang masama sa ginagawa nila, hindi naman malaking krimen yun sa gobyerno para hulihin sila ng militar at ipa-”salvage” pa. Mas mabigat na kaso naman ang pag-apak sa damuhang may karatulang “keep off the grass” di ba?

    Marami na tayong nakikitang ganyan, sa iba parang ok lang, gentleman daw iyon. Pero sa mga taong may mapaglarong isip kagaya ko ay marami ang tumatakbo sa kukote ko. Pasensya na, gawa kasi sa uhog ang utak ko eh.

    Heto lang naman naiisip ko sa mga boyfriend na dala ang bag sa kanilang balikat ng kanilang girlfriend.

    1. Gusto ni boyfriend makalibre sa lahat ng gastusin.
    2. Nagpapakitang gilas si boy juwawhoops para masabing gentleman siya.
    3. Para matakpan ang basang kili-kili.
    4. May pagnanasang nenokin lahat ni boyfriend ang mga nilalaman ng bag.
    5. Mas gusto ni boyfriend ang bag kaysa sa kanyang girlfriend.

    Kaya nga designed na pambabae ang mga bags na iyon kasi nga para talaga iyon sa mga babae. Kung si boyfriend lang pala ang gagamit nito, huwag ng bumili si girlfriend ng girlie bags. Dapat yung bag na lang para sa boyfriend niya ang bilhin niya.

    Hindi ko naman sinasabi na huwag ng tulungan ni boy juwawhoops ang kanyang girlfriend. Sa akin lang, hindi kabawasan sa pagiging gentleman ang hindi paghawak ng bag ni juwawhoops. May mga conditions naman kung kailan dapat hawakan ang bag ni girlfriend.

    1. Kung naglalaman ng isang sakong bigas ang kanyang bag.
    2. Kapag dalawa lang ang kamay ng girlfriend
    3. Para hindi makabili ng marami si girlfriend
    4. Kung hindi ito bagay kay girlfriend at mas may blending pa sa suot ng boyfriend ang bag
    5. Kapag sinabi ni girlfriend

    Ang sa akin lang, kung hindi naman kailangan ng tulong ni girl juwawhoops at yaka niya namang dalhin—fashionably and by her strength—huwag ng magpumilit. Kung kailanganin niya talagang ipahawak ang kanyang bag, hawakan na lang ito by the hand. Hindi porket shoulder bag ito eh dapat na rin itong ilagay sa balikat ng mga kalalakihan. Ayaw din naman ng mga babae na mangamoy putok ang kanilang bag, di ba? Lalo kung shining shimmering splendid pa ito.

    Tags: ,